Tula: Ang PunongKahoy

Mahirap talagang magsulat kapag wala kang maisip na isusulat. Kagabi nagpagawa ng tula ang aking pamangkin tungkol sa isang punong kahoy at narito ang kinalabasan matapos ang ilang oras na pinagisipan.

1

Makikita mo ako’ng nakatayo kahit saan

Sa gubat, burol o  maging sa kapatagan

Minsan ako’y payat at maliit

O di  kaya naman mataas at malaki.

2

Tila mga braso na nakadipa

ang aking mga sanga

Di napapagod mapag lambitinan

ng ibat-ibang hugis ng dahon at bunga.

3

Hindi man pantay ang aming laki

iba’t-iba man ang aming uri,

Yanigin man kami ng hangin

Sa lupa pa rin ang aming tingin.

4

Madalas nilalaro ako ng hangin

na tila nagpapahabol sa akin,

Ang huni ng mga ibon ay aking musika

magpalipat-lipat man sila sa aking sanga.

5

Ang sikat ng araw ay tila karayom

na tumutusok sa’ king balat at mga dahon,

sinag ng araw na gustong kumawala

sa kumpol  ng  mga  dahon

upang humalik sa lupa.

6

Kinikiliti ang balat at naka usling ugat

ng mga damong  sa parang nagkalat,

Yumayakap ang baging sa aking katawan

dumdikit naman ibang uri ng halaman.

7

Ang aking katawan ay matangkad at makisig

Nagaanyayang abutin mo aking mga bisig

sa lilim na hatid ko ika’y ikukubli sa sikat ng araw,

upang iyong  balat ay di mag-hapdi.

8

Ako’y punong kahoy na iyong kailangan

Mahalaga sa iyong kapaligiran,

Samo koy huwag pabayaan

Na ako’y maubos sa kagubatan.

Buwan ng Wikang Pilipino-Tatag ng Wikang Pilipino, Lakas ng Pagka Pilipino

Isa akong Pilipino namulat at namumuhay sa aking lupang tinubuan, ang Pilipinas. Perlas ng Silangan ang kanyang pag-kakilanlan. Pinahahalagahan ko ang ang mga bagay na nag uugnay sa akin bilang isang Pilipino. Ang aking  bansa ay bansang maka Diyos at maka tao. Kulay kayumanggi ang aking lipi na mayaman sa kultura at  wika, ang wikang Filipino, na nag uugnay sa libo libong pulo ng Pilipinas.

Maraming  pagbabago na ang pinag-daanan ng ating wika.  Ang Wikang Filipino ang nagsilbing sandata  ng ating mga bayani upang makamit ang ating kalayaan. Ang wikang filipino ay hindi lamang  para sa katagalugan ito ay para rin sa mga Bisaya, Ilokano, Kapampangan at marami pang dialektong filipino. Tunay na ang ating wika ay isang mayaman na wika sapagkat di lang ito purong filipino. Dahil sa pananakop sa atin ng mga dayuhang Intsik, Kastila, Hapon at Amerikano ay nahaluan din ang ating wika ng mga wikang banyagang atin na din gingamit sa pang araw araw na buhay. Dahil din sa likas na talino ng mga Pilipino, marmi pang ebulusyong ang wikang Filipino tulad na lang ng mga jeprox, taglish at ngayon mayroon na ring jejmon at bekimon.

Mayaman at makapangyarihan ang wikang filipino. Mayaman dahil hitik ito sa mga kahulugan. Isang salita lang ay marami ng ibig sabihin, ang sabi nga nila’y mabulaklak ang wikang filipino. Makapangyarihan ang ating wika dahil sa isang  salita lang ay pwede na nating mabago ang ating kasaysayan, kaya nitong supilin ang mga nagpupuyos na damadamin ng bawat pilipino…

Ang wika ay isang simbolo ng ating pag katao. Kaya ‘wag nating kalimutan ang pinagmulan at ang paggamit nito. Sa wika kayang magkaisa ng bawat Pilipino.